"Manong pakiabot."
"Isa pong estudyante, dyan lang po sa may estasyon ng pulis."
Ang tagal ng sukli. Wala pa sigurong panukli sa isang daang aking inabot. Hayaan mo na, hintayin na lang natin.
Ay nga pala, ako si Angelo, isang nursing student, pauwi na ako ng bahay.
Nakakapagod pala ang kursong kinuha ko. Ang daming kailangan gawin at isa pa ang mahal, naawa tuloy ako kila nanay. Hayaan mo na, sila naman ang namili. In demand daw kasi kaya pinakuha sa akin. Para daw makapunta ako ng abroad. Ngunit hindi rin naman ako sigurado na makakapunta ako sa abroad. Wala naman akong kilala doon eh.
Pagraduate na ako, isang semestre na lang ang hinihintay ko. Kung baka sakali pala, ako ang kaunaunahang makakapagtapos sa kolehiyo sa buong angkan namin. Ang bigat kaya na responsibilidad iyon. Ikaw ang inaasahan na muling magtataguyod sa pamilya mo. Kaya ipinagbubuti ko ang pag-aaral ko .
Isa din akong working student at scholar. Kailangan talagang pasukan lahat dahil wala namang trabaho mga magulang ko. Lahat gagawin ko para lang makapagtapos. May tatlo akong trabaho, ngunit lingid ito sa kaalaman ng mga magulang ko. Isa akong tagahugas nang pingan sa umaga, tagabenta ng mga takdang aralin pagdating sa eskwelahan at pagpatak ng gabi, isa ako sa makikita mo sa may kanto dyan sa Magsaysay naghahanap ng mga baklang gusto ng panandaliang aliw. Lahat iyan ay kailangan kong gawin para matustusan ang libo-libong hinihingi ng aking paaralan.
Ang hirap ng buhay, ang baho ng tingin ko sa sarili ko sa bawat yapak ng aking paa sa mainit na semento. Kailangan kong makapagtapos. Kailangan kong maitaguyod ang buhay nang pamilya ko. Ayoko na muli pa silang magdusa.
....
Ang baho naman dito sa loob ng jip, halatang pagod na lahat ng taong nakasakay. Siguro may mga kwento rin ang mga ito sa buhay.
Pasensya sa maikling kwento. Malapit na ako.
"Manong sukli po nung isang daan, isang estyudyante."
"Manong para sa tabi."
___________________________________________________________________________________
Sabi sa dyaryo may namatay na isang lalaki, nahulog sa may tulay malapit sa estasyon ng pulis. Ayon sa nakasulat, napagtripan ng mga pulis na lasing at ninakawan, sa pagdepensa sa sarili ay nagkamali ng tapak at nahulog ang paa sa butas sa tulay.
___________________________________________________________________________________
Ang buhay ng tao ay madaya. Laging hindi naayon sa mga plano mo, minsan kulang, minsan sobra sobra. Pakitanong nga sa sarili mo, ano ang mas nararapat ang sobra o ang kulang?
Minsan pagsobra sobra hindi na bumabalik ang sukli, kapag kulang wala na, bubulyawan ka ng drayber at hindi ka na makakarating sa iyong nais tunguhan.
.......
Sinusubukan ko lang pong magsulat... pagpasensyahan niyo na po
No comments:
Post a Comment